Buwan ng Pebrero, Taong 2005. Sa mga panahong ito halos humigit kumulang sa 10 000 mag aaral sa ika apat na taon sa mataas na paaralan ang nagsasaya. Sa loob kasi ng halos anim na buwan na pag-aantay ay inilabas na rin sa wakas ng UP Office of Admissions and pinal na listahan ng mga bagong iskolar ng bayan para sa taong akademiko 2005-2006.
Sabado ng madaling araw inilabas ng UP OAdms ang UPCAT results para sa taong ito. Kasalukuyan namang ipinagdiriwang ng mga estudyante ang taunang FebFair. Dito sa U.P. Los Baños, nasa field pa ang mga estudyante kaya't malamang sa malamang ay walang makakapansin kung inilabas ang UPCAT results kasabay ng sa UP Diliman.
Hindi pansin sa eLBi. Pero sa Diliman, kalat na ang balita madaling araw pa lamang.
Hindi siguro napansin sa eLBi ng sabado ng madaling araw dahil huling sandali na ng FebFair. Inuman kami sa booth ng org namin kasama ang mga alumni. Halos alas kwatro na ng umaga ng natapos ang tungaan session. Wala pa halos sa tatlong oras ang naitulog ko. Kailangan ko pang bumalik sa Bulacan. Kasabay ang isang alumna ng org, nasa bus na kami papuntang Cubao ng malaman ko na inilabas na ang resulta.
Dali dali akong pumunta sa Diliman. Okay lang naman dahil along the way ang PHILCOA sa pag uwi ko sa Bulacan. Tiyempo pa na may ipinakisuyo ang Ate ko na tingnan na pangalan. Binabagtas ko ang daan patungo sa Palma Hall Annex nang may makabangga akong mag ina. Inglisera pareho. Natutuwa ang ina sa pagpasa ng anak sa UPD. "Oh my dear! Your Father will surely be surprised once he knows this. I'm sure he will be letting you go to Hong Kong and have a shopping spree there," sabi ng ina. "Do you think so Mom? Well, I hope dad will give the Hong Kong trip as a gift for passing UPCAT!"
Ang tindi nun tsong. Parang nabuhusan ako ng mainit na tubig sa ulo. Ang swerte ng batang 'to. Nung ako nga pumasa ni mailibre sa Jollibee o makahirit na mabilhan ng bagong pantalon di ko magawa. Sabi ko sa sarili ko, pihado buena familia sila...
Hindi mawala sa isip ko ang trip to Hong Kong na gift ng ama sa kanyang UPCAT passer na anak... Hindi dahil naiiingit ako o anupaman ngunit ang ganitong pangyayari ay repleksyon ng isang mas nakagigimbal na reyalidad.
Sa taunang UPCAT, malaking bahagdan ng mga kumukuha ng pagsusulit ay galing sa mga pribadong paaralan. Ito ay sa dahilang may PhP 300 na bayarin bago makakuha ng pagsusulit. Bukod pa diyan ang gastos sa mga pribadong tutorial services at mock exams na talamak sa mga paaaralan tuwing summer season. Mayroon mang exemption sa pagbabayad ng entrance fee, lingid naman ito sa kaalaman ng maraming mahihirap na mag aaral.
Kung mas malalalim pa nating susuriin, hindi ba't mga private schools din lang naman ang may mataas na antas ng kagalingan at kahusayan sa akademikong programang mayroon ito? Sa usaping ito, alam naman na natin ang lamang ng isang pampublikong paaralan laban sa isang pribadong insitutusyon ng edukasyon.
Nakakalungkot. Nakakagimbal na unti-unting nawawalan ng pag-asa ang mga mahihirap ngunit deserving na kabataan na makapasok sa UP dahil sa private school bias.
Life is a sweetly layered cake.
Thursday, February 24, 2005
Subscribe to:
Posts (Atom)